Nanindigan ang Malacañang na hindi kusang maglalabas ng 2018 Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, batay sa batas, kailangang maghain ng SALN ang mga nasa gobyerno sa Office of the Ombudsman at sinunod ito ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, bahala na ang Ombudsman na maglalabas sa SALN ni Pangulong Duterte kung may humingi ng kopya.
Iginiit pa ni Sec. Panelo na walang itinatago si Pangulong Duterte sa kanyang taglay na yaman at patunay dito ang pag-file nito ng SALN sa Ombudsman.
Kaya wala daw nilabag na batas ang pangulo at wala ding problema sa kanila kung ilalabas ng Ombudsman ang kanyang SALN dahil ito ang itinakda ng batas na custodian at repository ng mga inihahaing SALNs.