-- Advertisements --

Pinatutukan ng cochairman ng House Economic Stimulus Response Package Cluster na si Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa mga economic managers ng pamahalaan ang pag-invest sa infrastructure at human capital development.

Dito aniya dapat mag-invest ang pamahalaan sa ngayon upang sa gayon ay hindi magresulta sa pangmatagalang pagkawala ng kita ang 16.5 percent gross domestic product (GDP) contraction.

Ayon kay Salceda, na chairman din ng House Ways and Means Committee, may binabalangkas na siyang mga proposals para sa reconstruction ng ekonomiya.

Pero bukod dito, mahalaga rin aniya na aprubahan na rin ng Kongreso ang mga economic reforms na nakabinbin sa ngayon upang sa gayon ay marami pang mga investments ang papasok sa bansa.

“We have to pass the Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act [CREATE], the amendments to the Foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act, and Public Service Act. We have already given our versions of all of these reforms to the Senate, so we hope for their speedy approval,” ani Salceda.

Mahalaga rin yon sa kongresista kung tutukan din ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura, na lumago ng 1.6 percent sa kabila ng quarantine sa mga nakalipas na mga buwan.

Kaugnay nito ay muling binigyan diin ni Salceda ang kanyang proposal sa ilalim ng stimulus program na pahintulutan na magpatuloy ang loans ng mga agrarian reform beneficiaries sa Landbank.

Bukod dito, dapat na palawakin din ng pamahalaan aniya ang healthcare capacity ng pamahalaan pero kaakibat aniya nito ang pagprotekta naman sa mga health care workers upang sa gayon ay maibalik ang kumpyansa ng mga mamimili at negosyante.