-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – “Go hard or go home.” Ganito isinalarawan ni Bombo International News Correspondent John Banalos mula sa bansang Qatar ang painit na painit na mga laban sa Rounds of 16 sa nagpapatuloy na FIFA World Cup 2022.

Aniya na ito na ang pinaka-diplomatikong mga laro sa larangan ng football sapagkat halos lahat ng mga kontinente ay mayroon pang natitirang mga koponan sa naturang torneo, gaya na lamang ng Asian federations na kinabibilangan ng Japan at South Korea; habang mayroon namang 8 koponan mula sa Europa na kinabibilangan ng Portugal, England, Netherlands, Croatia, Poland, Spain, Switzerland, at ang defending champion na France.

Mayroon namang dalawa pang koponan mula sa Africa na kinabibilangan ng Senegal at Morocco, habang binubuo naman ng Brazil at Argentina ang dalawang koponan mula sa South America.

Dagdag pa ni Banalos na sa kasalukuyan ay “the best” ang naging laro sa pagitan ng Argentina at Australia sa Rounds of 16.

Kaugnay nito ay naniniwala naman si Banalos na talaga namang pinaghandaan at mas lalo pang naghahanda ang iba’t ibang mga koponan ang mga susunod pa nilang mga laban sa nagpapatuloy na torneo.

Magugunita na nahulog na sa quarterfinals ang koponan ng USA at Australia matapos silang mabigo sa kanilang laro laban sa Netherlands at Argentina, ayon sa pagkakabanggit.