-- Advertisements --

Pinag-aaralan na raw ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo ang mga hakbang na pwede nitong gawin para matulungan ang mga umuuwing locally stranded individials (LSIs) dahil sa COVID-19 pandemic.

Ikinabahala kasi ng pangalawang pangulo ang pagkakatala ng dalawang kaso ng coronavirus sa Batanes, ang pinaka-huling lalawigan na nagkaroon ng COVID-19 case.

“Iyong opisina namin, tinitingnan namin kung papaano kami makakatulong sa LSIs. Tinitingnan namin, Ka Ely, kung kaya namin na kami iyong tumulong para ma-RT-PCR sila, ma-swab test sila bago lumarga,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Binanggit din ng pangalawang pangulo ang nangyari sa Davao kamakailan kung saan 40 returning resident ang nag-positibo pagkalapag ng paliparan.

Kaya naman apela ng bise presidente, tulungan ang mga walang kakayahan magpa-swab test na biyahero, para masigurong bago umalis ng kanilang lugar ay wala itong bitbit na COVID-19.

“Ang danger kasi nito, Ka Ely, kapag doon ite-test, una, pinasa natin iyong burden. Sunod, sasakay ito sa eroplano, sasakay ito sa bus. Kung positive na siya noong sumakay, iyong danger na mahawa niya pa iyong mga kasama niya, ang laki.”

Bukod sa testing, ipinaalala ni VP Leni ang kahalagahan ng contact tracing, na matagumpay umanong ginagawa ngayon ng Batanes sa dalawa nitong kaso ng COVID-19.

“Kapag ganito iyong contact tracing, baka mako-contain natin. Kasi kapag kinontact trace mo, nako-contain mo, naa-isolate mo. Kasi, ‘di ba, Ka Ely, minention natin dito iyong sinabi ni Mayor Benjie Magalong na NCR nag-aaverage lang ng 1:5, na ang ideal sana, 1:37. So sa Batanes, nagawa nila na iyong una nga, 1:86, so ang galing. Sana iyong lahat na nagpa-positive, ganito katindi iyong contact tracing, kasi ang laking bagay.”