Tinawag ni Vice President Leni Robredo ang pansin ng mga otoridad hinggil sa kanilang trato ng pag-aresto sa mga nagpapahayag ng kritisismo laban sa administrasyon.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna ng mga pag-aresto kamakailan sa ilang netizen na may alok umanong pabuya kasabay ng pagbabanta sa presidente.
“Lahat ng nabibiktima nito, whether Pangulo ka or ordinaryong tao, kapag may binabantaang ganito, kailangan i-pursue natin,” ani VP Leni sa kaniyang weekly radio show.
“Hindi naman pwede dahil nasa posisyon ka, ikaw lang iyong makikinabang sa batas.”
Isang teacher mula Zambales ang inaresto ng National Bureau of Investigation kamakailan dahil sa pabuya umano nito sa kung sinong makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaresto rin ang isang salesman sa Agusan del Norte nang tawagin daw nitong baliw ang presidente.
Ayon kay Robredo, hindi nalalayo sa kanyang karanasan sa nakalipas na apat na taon ang batikos at banta na ibinato kay Duterte.
Pero hindi umano ito naging hadlang para magpatuloy siya sa kanyang serbisyo.
Kaya hamon ng bise presidente sa mga otoridad na manalamin at tanawin ang mga government officials na sangkot din sa pagpapakalat ng fake news.
“Para sa akin, ang dami kong trabaho para pansinin kayo pero iyong ordinaryong mamamayan pwedeng makatulong kapag nag-report.”
“Iyong ordinaryong tao na nagki-criticize hinuhuli pero ‘yung fake news peddlers sinuswelduhan pa ng pamahaalan.”