Muling umapela si Vice President Leni Robredo sa gobyerno para mabigyan ng tulong ang maliliit na negosyo at nawalan ng trabaho dahil sa krisis ng COVID-19.
Kabilang sa mga bagong rekomendasyon ng pangalawang pangulo ang direktang tulong sa mga micro-small, at medium-scale enterprise (MSMEs) para mapagpatuloy umano ng mga ito ang kanilang operasyon at pasahod sa empleyado.
Ayon kay VP Leni, 99% ng negosyo sa Pilipinas ang nasa antas ng MSMEs. Kaya kung hindi makakatanggap ng tulong ang kanilang sektor ay tiyak na malulumpo ang ekonomiya ng bansa.
“Bukod sa mga pautang na nakalaan sa Bayanihan 2, kailangan nila ng direktang grants… dapat gumawa ng paraan para maipaabot ang mga grant ito sa mga maliliit at naghihikahos na negosyo; marami sa kanila, walang access sa mga bangko na madalas dinadaluyan ng pondo.”
Mungkahi ng bise presidente, magkaroon ng “credit mediation services.” Dito sigurado umano na maaabutan ng tulong ang mga nangangailangang negosyo.
Dagdag pa ni Robredo, dapat ayusin ng pamahalaan ang socio-economic profile na maaaring maging batayan sa pag-aabot ng tulong pagdating sa mga naging unemployed dahil sa krisis.
“Mahalaga rin ang pagkalap ng datos ng mga pangangailangan ng negosyo, at ang pagtutugma nito sa mga naghahanap ng trabaho. Mahalaga ito, lalo pa dahil mahirap ngayong bumiyahe dahil sa pangamba o limitasyon sa public transport. Kung maitutugma ang mga naghahanap ng trabaho sa mga vacancy na malapit sa kanila, maiibsan ang suliraning ito, bukod pa sa pagbawas sa panganib na tumawid ang virus sa ibang lokalidad.”
Kamakailan nang ilunsad ng Office of the Vice President at partners mula sa pribadong sektor BAYANIHANAPBUHAY initiative, na nagbukas ng oportunidad sa mga unemploeeyed at maliliit na negosyante.
Nakapaloob dito ang Sikap.PH, ang website para sa libreng paghahanap ng trabaho; at Iskaparate.com, kung saan maaaring magbenta ng produkto ang mga maliliit na negosyante.
“Bukas na bukas kami na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan, o sa kahit sino man, para palakasin ang mga platforms.”
Bukod sa sektor ng paggawa at negosyo, nanawagan din si Robredo ng kongkretong plano para sa vaccine distribution at iba pang sakop ng COVID-19 response.