Lalo lamang hindi pagkakatiwalaan ng publiko ang pamahalaan kung hindi ilalabas ang statement of assets, liabilities, and networth (SALN) ng mga opisyal ng pamahalaan, ayon kay Vice President Leni Robredo.
Sinabi ito ni Robredo matapos na hindi pagbigyan naman ni Ombudsman Samuel Martires, na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang requests ng mga abogado para sa kopya ng SALN ng punong ehekutibo.
“Hindi mo maiiwasan na ‘yung tao isu-scrutinize kasi the mere fact na pumasok kami sa gobyerno ano ‘yan part of the deal… The mere fact na ‘yung tinatago mo o ‘di mo mi-ne-make available, dinadagdagan mo lang ‘yung mistrust ng tao,” ani Robredo.
Iginiit ng bise presidente na dapat imbestigahan ng Ombudsman ang mga taong sangkot sa korapsyon o anomaliya, pero tila taliwas daw dito ang nangyayari sa ngayon.
“Pero ngayon… parang ang role niya tuloy, siya ‘yung ngipin ng administration para balikan ‘yung nag-ki-criticize sa pamahalaan. Sobrang baliktad sa mandato ng opisina niya,” giit ni Robredo.
Sinabi ni Robredo na kung wala namang tinatago ang isang public official ay wala namang problema na ilabas ang SALN nito.
Duda tuloy siya sa kung ano ang tunay na dahilan kung bakit iniipit aniya ang naturang dokumento.










