-- Advertisements --

Muling nanawagan si Vice President Leni Robredo sa Department of Education (DepEd) na huwag ipilit ang pagbubukas ng klase sa Agosto kung talagang hindi pa kaya ng sektor na magbalik operasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay VP Leni, kayang amiyendahan ang probisyon ng batas na hindi dapat lalampas sa Agosto ang pagbubukas ng klase, para mabigyan ng sapat na panahon ang mga eskwelahan, magulang at estudyante na makapaghanda.

“Ang paki-usap lang natin sa DepEd—ito pinahayag na natin—kung hindi kaya , huwag pilitin,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

“Walang problema sa content pero ‘yung problema pagsalin ng content para maging appropriate siya for distance learning. So madami pang training na kailangan gawin,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Robredo na maraming guro ang may agam-agam sa sinasabing kahandaan ng DepEd sa “blended learning” approach na ipatutupad.

Sa Martes magtatapos ang enrollment para sa School Year 2020 – 2021. Ayon sa Education department, nasa 15-milyong mag-aaral pa lang ang enrolled mula sa inaasahan nitong 27-milyong estudyante.

Ang Office of the Vice President, sinimulan nang mamahagi ng gadgets at iba pang gamit para sa mga nangangailangang estudyante at guro.

Sa ilalim ng inaprubahang rekomendasyon ng DepEd sa Inter-Agency Task Force, hindi muna “face-to-face” classes ang mangyayari sa August 24, dahil karamihan sa mga klase at lesson ay gagawin online.