-- Advertisements --

Sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa pagbubukas ng klase ng mga pampublikong eskwelahan ngayong araw, October 5, pero batid nitong marami pa ring pagkukulang na dapat tugunan ng gobyerno.

“Maraming-marami pang problema. Actually, marami kaming kausap na mga teacher groups. Ang isa sa pinaka-malaking problema—sa part ito ng mga teachers—iyong ano talaga, iyong modular instruction at saka online instruction,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Umapela ang pangalawang pangulo sa gobyerno na siguruhing lahat ng guro na walang kakayahan makasunod sa online learning strategy ay sapat na gamit para makapagturo.

Ang mga kikilos naman sa pamamagitan ng modular learning ay dapat na may karampatan ding suporta para sa printing at paghahatid ng mga materyales sa mga estudyante.

“Para sa atin, Ka Ely, tama na ituloy natin iyong opening of classes, kasi hindi puwedeng hindi natututo iyong mga bata during the break. Pero tingin natin, Ka Ely, may mas efficient pang paggawa nito.”

Una nang inirekomenda ni VP Leni ang posibilidad ng face-to-face classes sa mga itinuturing na safe zone o wala ng kaso ng community transmission.

Kailangan lang daw masiguro rito na may sapat na guidelines para sa kaligtasan ng mga estudyante.

“Puwede naman ito, Ka Ely, kahit two times a day lang iyong bawat estudyante—ay, two times a week bawat estudyanteng papasok. Tapos huwag muna iyong sobrang dami ng subjects. Iyong mga core competencies lang na pinaka-kailangan.”

“Pero kapag nakausap mo kasi, Ka Ely, iyong teachers on the ground, mas madali ito for them, kasi ito na iyong matagal na nilang ginagawa. Iyong request lang talaga nila, iyong proteksyon din nila—iyong proteksyon nila, at least man lang mabigyan sila ng, alam mo iyon, ng libreng medical checkup, ng test kung kinakailangan, etc.”

Ang Office of the Vice President ay patuloy pa rin naman daw sa ginagawa nitong responde sa balik-eswela. Sana lang daw ay manatiling bukas ang Department of Education (DepEd) sa iba pang aspeto na makakatulong sa pagbubukas ng klase.

“Mahalaga ito, magagaan-gaanan naman. Ngayon, marami iyong takot dahil bago iyong gagawin natin. Pero pagtulung-tulungan na lang po natin, pagtulung-tulungan natin. Iyong communities na medyo nakakaangat naman, baka puwedeng tulungan natin iyong mga communities na nangangailangan.”

Nanindigan ang DepEd na handang-handa na ang kanilang hanay sa pagbubukas ng klase ngayong araw, na magtataposa Hunyo 5, 2021.