Maging si Vice Pres. Leni Robredo ay nanindigan sa posisyong unconstitutional ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Chinese na mangisda sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isang panayam sinabi ni Robredo na malinaw ang depinisyon ng EEZ sa Saligang Batas bilang eksklusibong pag-aari ng mga Pilipino.
“Iyon talaga sa term pa lang, Igan, kaya nga tinatawag na exclusive economic zone kasi iyong ating… iyong ating Konstitusyon—iyong 1987 Constitution—very specific iyong probisyon ng batas na iyong exclusive economic zone, for the exclusive use and enjoyment iyon ng Filipino citizens. Kaya kapag sinabi mong papayagan mong mangisda doon iyong hindi… hindi mga Pilipino, labag iyon sa Konstitusyon.”
Sinang-ayunan din nito ang tugon ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na iginiit ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na ma-solo ang marine resources sa naturang bahagi ng teritoryo.
Ani Robredo, isa lang ang hiling ng mga mangingisda. Ang paninidigan mula sa pamahalaan dahil talong-talo raw ang kanilang hanay tuwing nakakasabay na ang malalaking dayuhang barko tuwing naglalaot.
“In fact, iyon din iyong isang kahilingan ng mga mangingisda, na sana nakakabuwelo din sila sa hanapbuhay doon kasi talagang talong-talo sila. Talong-talo sila ng Chinese fishing vessels. Hindi talaga sila [maka-]buwelo sa pangingisda. Eh, iyon nga, very specific iyong ating constitutional provisions na dapat exclusive iyan para sa use and enjoyment of Filipino citizens. “