Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa posisyon ng Department of Health (DOH) ukol sa pinalakas na testing kaya tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos tapatan ng ahensya ang datos ng Pilipinas bilang may pinakamataas na COVID-19 cases sa Southeast Asia.
Sinabi kasi ng DOH na sa kabila nito ay lumakas pa ang testing capacity ng estado, na pinakamataas din sa rehiyon.
“It is good news that we have already increased our testing capacity. In fact, we have the most number of tests conducted already in absolute numbers. What I am bothered about is that we are attributing our numbers to just our increased testing capacity. This is not exactly accurate,” ani VP Leni sa isang online post.
Naniniwala ang pangalawang pangulo na community transmission na ang dahilan ng tumaas pang COVID-19 cases. Kumpara daw kasi sa 7.06% positivity rate ng estado noong June 30, ay umakyat muli ito sa 9.84%.
“Look at our positivity rate. Global standard is less than 5%. Let us not content ourselves with just reaching our targeted testing capacity. We should work at lowering our positivity rate to less than 5%,” ani Robredo.
Dagdag pa ng bise, kahit naman tumaas na ang testing capacity ng bansa ay hindi naman nito nasusulit ang populasyon. Sa ngayon daw kasi 1.62% pa lang ng populasyon ng estado ang nate-test.
Mababa kumpara sa 26.27% tested sa Singapore, 6.96% sa Brunei, 3.25% sa Malaysia, at 3% sa South Korea.
“Our big numbers are not just a function of increased testing but the fact that community transmission is really bad now.”
Una nang sinabi ng DOH na community transmission na talaga ang pinaka-factor ng tumaas pang COVID-19 cases.
Kaya naman umaasa ang pamahalaan na magiging epektibo ang ipinatupad na modified enhanced community quarantine sa mga lugae kung saan mainit ang pagkalat ng sakit.










