-- Advertisements --

ILOILO CITY- Hindi napigilan ng 70-anyos na retired police colonel na kagatin ang daliri ng isang lalaki na nakaalitan nito dahil lang sa away trapiko sa Barangay Calaparan, Arevalo, Iloilo City.

Ang retired police officer ay si Eduardo Bacolor at ang nakawaay nito ay kinilalang si Radny Sarmento, 35, pawang residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Chen Tañagras, station commander ng Arevalo Police Station, sinabi nito na base sa alegasyon ng retired police colonel, hindi makadaan ang kanyang sasakyan dahil sa naka-obstruct na mga pedicab at tricycle.

Ayon sa hepe, nagalit ang retired police at sinigawan ang mga driver kung saan lumapit umano si Sarmento at hinatak ang damit ni Bacolor.

Bilang ganti, tinulak ng pulis si Sarmento ngunit gumanti ito ng suntok at natumba ang pulis.

Dinaganan umano ni Sarmento si Bacolor at doon na kinagat ng retired police sa daliri ang nasabing lalaki.

Dinala naman sa barangay ang dalawa at nagkaayos din matapos ang insidente.