Nagbabala ang liquefied petroleum gas (LPG) Marketers Association na maaaring ireklamo ng mga konsyumer ang mga retailer na magbebenta ng “overpriced” 11-kilogram LPG tanks.
Ayon sa grupo, maaaring isumbong sa pulisya o sa pinakamalapit na barangay ang mga retailer na mananamantalang magtaas ng presyo na lagpas sa P1,500 sa Luzon at P1,600 sa Visayas at Mindanao sa Abril.
Sa kasalukuyan, ayon kay LPG Marketers Association founder Arnel Ty, ang umiiral na suggested retail price (SRP) ay mula P1,350 hanggang P1,400 kada tangke.
Subalit bunsod ng tumataas na halaga ng shipping, maaari aniyang madagdagan ang SRP ng P100 sa susunod na linggo sa Luzon.
Habang sa Visayas at Mindanao naman, maaaring tumaas ng P100 hanggang P250 ang presyo kada tangke.
Umapela naman ang grupo sa pamahalaan na huwag magpatupad ng price cap sa LPG, dahil maaari itong humantong sa kakapusan ng suplay.










