Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda ang mga field offices nito upang umagapay sa mga local government units (LGUs) na maaapektuhan ng pagdaan ng bagyong si Bising.
Ito ay kasunod ng unti-unting paglakas ng nasabing bagyo habang binabaybay ang Albay, Catanduanes at iba pang parte ng Luzon at Visayas.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na naka-standby na sa pagtulong ang Quick Response Teams ng mga field offices.
Nakahanda na rin daw ang mga ipamimigay na emergency relief supplies.
Iniulat ng ahensya na aabot ng P1.59 billion ang standby funds at available stockpiles nito.
Hinikayat naman ng DILG ang publiko na manatiling maingat at sumunod sa mga babala ng kanilang mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang anumang insidente na dulot ng bagyo.