Mariing itinanggi ng mga kaibigan ni Christine Dacera ang akusasyon na ibinabato laban sa kanila hinggil sa umano’y paghalay at pagpatay nila sa naturang flight attendant.
Sinabi ng apat sa mga kinilala bilang respondents sa kaso na mahal na mahal nila si Dacera at wala anila silang gagawing masama rito dahil itinuturing nila ito bilang kanilang “baby sister”.
Binigyan diin nina JP Dela Serna, Valentine Rosales, Clark Rapina at Romel Galido na walang “foul play” na nangyari gaya ng inaakusa laban sa kanila.
Ayon kay Dela Serna, naiintindihan nila ang pagdadalamhati at galit na nararamdaman ng pamilya ng biktima pero, taliwas sa akusasyon sa kanila, hindi aniya nila ito kayang gawin sa kanilang “matalik” na kaibigan.
Sinabi naman ni Rosales lahat silang kasama ni Dacera noong Bagong Taon ay inalagaan ito.
Bingiyan dini naman ni Rapina na wala sa kanilang magkakaibigan ang kayang babuyin si Dacera.
Si Dacera, 23-anyos, ay natagpuan na wala nang malay noong Bagong Taon kasunod ng party nilang magkakaibigan sa isang hotel sa Makati City.
Base sa medico legal, ang sanhi nang pagkamatay umano nito ay “ruptured aortic aneurysm,” pero naniniwala naman ang pamilya ni Dacera na pinainom ito ng iligal na droga at hinalay.










