LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Lt. Col. Rafael Lero, hepe ng PNP sa Laoag na isang residente ng Sitio Dungtal ng Brgy. 23 ang nagdamit bilang nurse para makalabas sa nasabing lugar.
Ayon kay Lero, nagpaalam ang residente na magtutungo ito sa ospital para mag-render ng kanyang duty.
Aniya, dahil nakasuot ito ng uniporme ng nurse ay hinayaan nilang maglog-book at pinahintulutang makalabas.
Samantala, sinabi ni Lero na mayroon silang natanggap na impormasyon na umanoy nagbabantay ng kanyang sariling tindahan ang nakalabas na residente.
Dahil dito, ipinaalam ni Lero na agad na naisagawa ang validation ang kanyang team at natuntun nila ang nagpakilalang nurse sa kanyang tindahan na nagbabantay.
Aniya, tinanong nila ang lugar kung saan siya mag-rerender ng duty ngunit lumalabas na hindi nila ito kilala.
Dagdag ni Lero na base sa pakikipag-usap nila sa mga nakakikilala sa residenteng umano’y nurse ay matagal na itong hindi nagtratrabaho bilang private nurse.
Inihayag nito na nagtapos bilang nurse ngunit hindi rehistrado.
Sa ngayon ay nanatili sa PNP Laoag at naka-isolate ang nasabing residente habang inihanhanda ang mga dokumento para sa maipiplang kaso kontra sa kanya.
Una rito, naipatupad ang lockdown sa Sitio Dungtal ng nasabing barangay matapos naitala ang sunod-sunod na kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).