-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinatindi ng pitong tornado ang epekto ng hurricane Ida na unang tumama sa Louisiana, Mississipi at New Orleans.

Dumaan ang bagyo sa northeast pangunahin sa Maryland, Pennsylvania, New Jersey at New York na nagbunga ng pagbaha at pagkasira ng maraming bahay dahil sa malakas na hangin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jon Melegrito, news editor ng isang pahayagan sa Washington DC na nagdeklara si Pangulong Joe Biden ng national emergency para mas mabilis ang pagbibigay ng relief funds ng Federal Emergency Management Administration (FEMA) para sa mga biktima ng kalamidad.

Kabilang sa mga namatay ang isang pulis sa New Jersey na nalunod matapos na tangayin ng baha ang kanyang kotse.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Pangulong Joe Biden na ang mga nararanasang pagbaha at mainit na temperatura ay bunsod ng climate change.

Ito aniya ay dapat na magawan ng paraan para makontrol ang pinsala ng climate change

Hiniling sa US Congress na gumawa ng paraan para makontrol ang epekto nito tulad pagpapatibay ng batas para ma-regulate ang gas emission.

Ayon kay Melegrito, pinagtutunan ng pansin ngayon ang rescue and relief efforts sa mga mamamayan sa mga binahang lugar at paglilinis mula sa mga natumbang puno ng kahoy at poste ng koryente.

Ang mga apektadong Pilipino lalo na sa New Jersey kung saan maraming Pinoy ay nagtutulungan sa pamamagitan ng mga Filipino organization.