-- Advertisements --

Bagsak ang presyo ng mga gulay sa highland ngayon tulad ng repolyo, kung saan pinipili ng ilan sa mga magsasaka na itapon nalang ang kanilang mga stock dahil hindi na umano tinatanggap ng mga pamilihan sa sobrang dami ng suplay.

Ang pinakabagong datos mula sa Department of Agriculture (DA), ang presyo ng repolyo ay naglalaro mula P35.00 hanggang P80.00 kada kilo noong Enero 11, mas mababa sa P60.00 hanggang P80.00 kada kilo noong Disyembre 11, 2023.

Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairperson Rosendo So, may mga truck na ipinadala ang Department of Agriculture sa Benguet para kahit papano ay maidala ang gulay dito sa Metro Manila kaya magandang direksyon aniya iyon, pero problema pa rin talaga daw ang marami suplay ng gulay ngayon.

Matatandaan na kamakailan, ang mga repolyo na inihatid sa La Trinidad, Benguet ay tinanggihan at itinapon sa isang bangin sa Tinoc, Ifugao.

Nauna na ang oversupply bago pa man ang inaasahang El Niño phenomenon, kung saan nakikitang makakaapekto ito sa produksyon sa huling bahagi ng taong ito.

Samantala, ang naturang kagawaran, noong Disyembre ay nagsabi na nagsimula na itong magpatupad ng mga hakbang para mapagaan ang epekto ng dry spell sa produksyon ng pagkain.