Naniniwala si Marikina Representative Stella Luz Quimbo ngayon na ang tamang panahon para amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Ang pahayag ni Quimbo ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na susuportahan nito ang Charter Change na limitado sa economic reforms.
Sinabi ni Quimbo na kakayaning tapusin ng Kamara at Senado ang pagtalakay sa Cha-Cha sa loob ng isang linggo kasunod ng posisyon ng pangulo.
Ipinunto ng kongresista na kailangan nang madaliin ang usapin dahil kung titingnan ang “timeline” ay kapos sa oras ang Kamara para sa economic Cha-Cha.
Paliwanag pa ng mambabatas kalahati aniya ng sesyon ng Kongreso sa isang buong taon ay nakatutok sa pambansang budget habang mahabang panahon din ang ginugugol sa priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Binigyang-diin pa ni Quimbo na ang pagbubukas ng ekonomiya sa foreign direct investments ay hindi nangangahulugang inilalaglag na ang local stakeholders dahil poprotektahan nito ang mga industriya habang tumutugon sa economic opportunities.
Samantala, idinagdag naman ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na napapanahon ang economic Cha-Cha dahil napag-iiwanan ang Pilipinas sa paglaban sa malnutrisyon kumpara sa ibang mga bansa sa Asya at tumaas pa ang poverty rate na nasa 23 percent.
Sinabi ni Salceda kung magpapahuli pa ang Pilipinas siguradong wala ng aabutan ang bansa dahil nasa global environment na tayo ngayon.