Nanindigan si Albay Rep. Edcel Lagman na mayroon siyang mga ebidensya ukol sa isyu ng paglalaan ng pondo para sa binabalak na Charter change ng ilang grupo.
Ito ang tugon ni Lagman, matapos na palagan ni House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co ang pag-uugnay dito hinggil sa dagdag na pondo ng Commission on Elections (Comelec) para sa pag-amyenda sa saligang batas.
Ayon kasi kay Co, humingi ang Comelec ng dagdag na pondo dahil P2 bilyon lamang ang inilaan sa kanila sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP).
Pero ang orihinal na hinihingi umano ng Comelec ay P19.4 bilyon.
Sa deliberasyon ng bicameral conference committee, nadagdagan ng P12 bilyon ang pondo ng Comelec na ngayon ay naghahanda na para sa idaraos na 2025 elections.
Pero para kay Lagman, normal lamang na itanggi ito ni Co dahil ganun naman daw talaga ang mga sangkot sa kontrobersiya, gagawin ang lahat para makaiwas sa isyu.
Ngunit pagtitiyak ng Albay congressman, ililitaw niya ang mga ebidensya sa tamang pagkakataon.