Hinimok ngayon ng isang mambabatas ang ating pamahalaan na payagan na ang pagtuturok ng ikalawang COVID-19 booster dose sa general population dahil na rin sa pangambang magtatagal pa ang pandemic sa bansa.
Sa isang statement, sinabi ni Iloilo Representative Janette Garin na ang mahigit sa apat na milyong doses ng bakunang binili ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor ang nakatakda nang magpaso o mag-expire.
Sinabi ng mambabatas na dati ring kalihim Department of Health (DoH) na tila wala raw sense of urgency ang mga nagdedesisyon dito kahit gusto nais naman daw ng mga employees.
Ayon kay Garin, habang nasa 71.6 million Filipinos na ang nakakumpleto ng kanilang primary dose ng COVID-19 vaccine ay nasa 15 million lamang ang nakakuha ng kanilang unang booster.
Kaya naman nagresulta ito sa hindi pagkakagamit ng milyong mga bakuna.
Kasabay nito, iginiit ni Garin na kailangan na rin ang karagdagang proteksiyon laban sa mga bagong sub-Omicron variants na aniya’t “hyper contagious, spreading like measles.”
Dahil dito, dapat daw ay bilisan na ng pamahalaan ang pagbibigay ng ikalawang booster dose.
Ang mga bagong bakuna raw kasing indibidwal ay kailangan pang maghintay ng dalawang linggo bago mag-take effect.
Tila kinokontra rin umano ng DoH ang kanilang panawagan sa taong bayan na magpa-booster shot na pero limitado naman ang access dito ng mga tao.
Sa ngayon, ang pinapayagan lamang sa second booster shot ay ang mga health workers, senior citizens at immunocompromised.