Naniniwala si Surigao del Norte 2nd District representative at House Committe on Dangerous Drugs Board Rep. Robert Ace Barbers na panahon na para itigil ang operasyon ng POGO o Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Kaisa si Barbers sa mga mambabatas na nanawagan na i-ban ng tuluyan ang POGO sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barbers kaniyang sinabi na hindi natupad ang bilyong bilyong kikitain sana ng bansa sa POGO operations at maraming mga kababayan natin ang magkakaroon sana ng trabaho.
Kaliwat kanang kontrobersiya ang kinasangkutan ng POGO lalo at nauugnay ito sa iba’t ibang krimen gaya ng kidnapping, human trafficking at illegal drug trade.
Batay sa ulat, ginagawang “front” din ng mga Chinese drug syndicate ang POGO para sa kanilang illegal drug trade.
Dagdag pa ni Barbers ginagamit din ng mga sindikato ang POGO sa kanilang money laundering activities.
Aniya, may mga ebidensiya silang nakalap ukol dito kaya ongoing ang imbestigasyon rito ng mga otoridad dahilan na tumanggi muna si Barbers na idetalye ito sa media.
“Bukod sa illegal drug trade Anne, ako naniniwala na itong mga POGO ay maaaring ginagamit ng mga sindikato sa droga sa pagma -money laundering, although may may mga ebidensiya kami nakalap, ayon manghihingi ako ng paumanhin na hindi ko muna idi-discuss sa inyo dahil patuloy pa nangangalap at karagdagang ebidensiya na magpapatunay sa aming hinala na talagang ginagamit itong industriya na ito for money laundering at saka siyempre yung illegal drug trade,” pahayag pa ni Barbers.










