Nanawagan si House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude Acidre kay Senador Imee Marcos na itigil na umano ang pagpapakalat ng mga “walang basehang conspiracy theory” kaugnay sa isyu ng term extension at sa halip ay pagtuunan ang tungkulin nito bilang senator-judge sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Acidre matapos sabihin ni Sen. Imee Marcos na may mga umano’y hakbang para amyendahan ang Konstitusyon upang mapalawig ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at maiwasan ang 2028 elections.
Ayon kay Acidre, malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution na iisang anim na taong termino lamang ang pinapayagan para sa Pangulo kaya’t walang batayan ang alegasyon ng senador.
Sinabi rin niya na ang pagpapakalat umano ng mga ganitong isyu ay nagdudulot lamang ng kalituhan at lalong nagpapalala ng tensyon sa politika.
Iginiit din ni Acidre na dapat paghandaan ng Senado ang impeachment proceedings bilang impeachment court sa halip na hayaang manaig ang “political drama” at mga umano’y gawa-gawang isyu sa pampublikong diskurso.
Binigyang-diin pa niya na inaasahan ng mamamayan ang seryoso, patas, at maayos na paglilitis alinsunod sa Konstitusyon at due process, hindi umano pananakot, propaganda, o mga alegasyong walang matibay na ebidensya.
Dagdag pa ni Acidre, matagal nang pinagdedebatehan sa iba’t ibang administrasyon ang constitutional reform ngunit hindi ito dapat gamitin bilang panakot o pampulitikang taktika laban sa mga institusyon ng gobyerno.
















