-- Advertisements --

Nakapaghain na ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong murder laban sa suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at iba pang personalidad na isinasangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Ito ang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa press conference na ipinatawag nila sa Department of Justice (DoJ).

“A case has been filed with the prosecutors and from then we will proceed with the case proper and hopefully this issue will be laid to rest the way it should be,” ani Remulla.

Sinabi naman ni Atty. Eugene Javier ng NBI na dalawang murder charges ang nihinain para sa pagkamatay ni Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor na isang person deprived of liberty (PDL) sa loob ng New Bilibid Prison.

Maliban kay Bantag, kasama rin sa mga respondents sa reklamo sina Senior Superintendent Ricardo Zulueta, BuCor official, at mga PDL na sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia at Alfie Peñaredonda.

Si Bantag at Zulueta ang pinangalanang principals by inducement habang ang iba ay principals by indispensable cooperation.

Ang naturang mga reklamo ay isinampa sa pagkamatay ni Villamor.

May inihain ding reklamo kay Bantag at Zulueta bilang principals by inducement at mga PDL na sina Labra, Micosa, Mario Germones Alvarez at Joseph Medel Georfo bilang principals by indispensable cooperation.

Nasampahan din ang mga PDL na sina Christam Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz, and Joel Alog Reyes ng reklamong principals by direct participation.