Regional Special Investigation Task Group, binuo laban sa mga suspek na bumaril patay kay Negros Oriental Gov. Degamo;3 getaway vehicle natagpuan
Bumuo ngayon ang Police Regional Office-7 ng isang Regional Special Investigation Task Group para tututok sa mabilis na imbestigasyon kaugnay sa kamakailang insidente ng pamamaril na ikinasawi ni Negros Oriental Govenor Roel Degamo at siyam na iba pang biktima.
Batay sa ulat mula sa Investigation-On-Case, hindi bababa sa 6 na suspek na nakasuot ng pixelized na uniporme na may mahabang baril ang kalmadong pumasok sa bahay ni Degamo at biglang nagpaulan ng mga bala.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang SUV.
Kasunod nito, tatlong getaway vehicle ang natagpuang inabandona sa Brgy Kansumalig, Bayawan City, Negros Oriental na kinabibilangan ng isang Mitsubishi Pajero na may plate number NQZ 735, isang Izuzu pick up na kulay green na may plate number GRY 162 at isang itim na Mitsubishi Montero na may plate number YAP 163.
Pinaniniwalaan namang humigit-kumulang 10 suspek ang nakitang tumakas mula sa pinangyarihan at ngayon ay tinutugis ng mga otoridad.
Samantala, tiwala ngayon si Pamplona Mayor Janice Degamo na mayroon pa rin hustisya at may mga tao pa ring hindi mababayaran ng pera na tutulong para makamit ang hustisya.
Umaasa naman ang alkalde na totohanin ng national government na habulin ang may kagagawan sa krimen at mapanagot ang mga ito.










