Reading Time: 1 minute
Zarate
Bayan Muna Partylist, Cong. Carlos Isagani Zarate

TUGUEGARAO CITY – Malinaw na pambubusabos at pagwawalang-hiya sa ating bansa ang ginawang pagbangga at pag-abandona ng Chinese fishing vessel sa bangka ng mangingisdang Pilipino sa Recto Bank o Reed Bank sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS) gabi ng June 9,2019.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Congressman Carlos Isagani Zarate, ang ginawa ng Chinese fishing vessel ay malinaw na hindi pakikipag kaibigan ang intensiyon ng bansang China kundi pagpapakita ng kawalan ng respeto sa soberanya ng Pilipinas.

Dahil dito, mariing kinokondena ni Zarate at ng buong Makabayan block ang ginawa ng mga mangingisdang Chinese.

Kanila din kinokondena ang ginawang pananahimik ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa nasabing isyu.

Sinabi ni Zarate, nakakapanggalit at nakakabinging katahimikan ng Pangulo sa nasabing usapin gayong buhay na ng mga Pilipino ang nakasalalay.

Nanawagan naman si Zarate na dapat ipaglaban ng mga namumuno sa bansa ang karapatan natin lalo na ang lugar ng pinangyarihan ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Dagdag pa ng mambabatas na dapat aniya ay tulungan ang mga biktimang mangingisda na magsampa ng kaso laban sa mga mangingisdang Chinese para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa mga ito.

Dapat rin umanong ipanawagan ng Pilipinas sa China na isuko ang mga mangingisdang Chinese para panagutin ang kanilang ginawa sa mga Pilipinong mangingisda.