-- Advertisements --
ofw dmw

Pinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong araw ang isang recruitmeny agency ng seaferers sa Parañaque City dahil sa umano’y pag-aalok ng peke o hindi lehitimong trabaho sa mga Pilipinong seaferers.

Pinangunahan ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac ang pagsasara ng R. T. M. Maritime Consultancy Services Corp. na nakabase sa ikalawang palapag ng J & P Building sa may Ninoy Aquino Avenue sa Santo Nino, Paranaque City.

Nag-ugat ang operasyon ng DMW mula sa mga reklamong kanilang natanggap mula sa dalawang overseas Filipino workers na nagsumbong sa ahensiya noong unang quarter ng kasalukuyang taon.

Ayon sa mga imbestigador ng DMW, walang valid na lisensiya ang naturang agency o accreditation mula sa kagawaran.

Base din sa imbestigasyon, nakatanggap ang naturang recruitment agency at nagproseso ng mga aplikasyon ng kanilang mga nabiktima at ni-refer sa kanilang partner manning agency at nangolekta pa ng consultation fees na pumapalo sa P105,000 hanggang sa P140,000 mula sa kanilang mga aplikante na pinangakuan ng pekeng trabaho bilang seaferers sa Dubai sa kabila pa ng pinaiiral na no placement fee policy para sa mga seaferers.

Ayon kay Cacdac, isa sa mga nagreklamo at pinangakuan ng recruitment agency ng trabaho bilang Chief Cook sa isang container vessel sa Dubai na may buwanang sahod na US$900 o katumbas ng P51,300. Nagbayad ito ng kabuuang P105,000 sa recruitment agency para sa consultancy fees.

Habang ang isa naman ay nag-apply para sa posisyon ng engine Cadet na pingakuag sasahod ng US$350 o humigit kumulang P20,000 kada buwan. Nagbayad naman ito ng P140,000 para sa consultation fee para sa job placement.