-- Advertisements --

Inaprubahan ng Kongreso, ang dalawa sa mga prayoridad nitong batas, partikular na ang House Bill (HB) 304 o ang “Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act” (PIFITA), at HB 300 o “Amendment of the Foreign Investments Act (FIA)”. Ito ang ikalawa at ikatlong prayoridad na batas na naipasa ng ika-18 Kongreso, matapos maipasa ang batas noong ika-20 ng Agosto na nagpapataw ng dagdag buwis sa alak, sigarilyo, at mga kagamitan sa pangvape. Tunay na kapuna-puna, ang agaran at mabilis na pagpasa nitong tatlong nasabing prayoridad na batas, sa kabila ng maraming badyet hearing na isinasagawa, ay maitatalang unprecedented feat sa Kamara.

Ang PIFITA bill ay nakalikom ng 186 na bumoto ng pagsangayon, anim ang hindi sumang-ayon at dalawa nag-abstain. Samantalang, ang FIA Amendment bill ay tumanggap 201 bumoto ng pagsangayon, anim ang hindi sumangayon at pito naman ang nag-abstain.

Inakda ni Committee on Ways and Means Chairman Rep. Joey Sarte Salceda (2nd District, Albay), ang PIFITA bill ang naghahangad na baguhin ang National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997 at ireporma ang sektor ng pinansyal sa Pilipinas.

Sinabi ni Salceda na ang pagpasa ng PIFITA ay magiging daan upang mas makaakit ng magandang kapital at mamumuhunan sa bansa, na agarang kailangan ng pondo para sa mga imprastraktura, makagawa ng mas maganda at maraming trabaho at mas mapalakas ang inclusive at patuloy na paglaki ng ekonomiya. “The inclusion of the capital income and financial services in the current administration’s comprehensive tax reform program provides a window of opportunity to achieve the much-needed reform in the financial sector,” wika pa niya.

Ang FIA Amendment Bill, na pangunahing isinulat ni Rep. Victor Yap (2nd District, Tarlac), ay nagnanais na mabago ang Republic Act No. 7042, kilala rin bilang “Foreign Investment Act of 1991,” sa pamamagitan ng pagpayag sa mga dayuhan na maisagawa ang kanilang propesyon sa Pilipinas, at pababain ang bilang ng kailangang mga lokal na empleyado para sa ilang mga negosyo.

Sa sponsorship speech ni Rep. Sharon Garin, (Party-list, AAMBIS-OWA), Chairperson of the House Committee on Economic Affairs tungkol sa FIA Amendment bill, sinabi niya na sa huling sampung taon, nanatiling mababa ang foreign direct investments sa bansa, na may average na USD 3.93 billion. Binigyang-diin rin ni Garin ang mga benepisyo ng mga Pilipino na nagtatrabaho kasama ang mga dayuhang propesyunal sa Pilipinas. Sabi niya, “Allowing skilled professionals to work in our country would boost the competitiveness of our human resource. By working with professionals from more advanced countries, Filipinos gain fresh perspectives and new knowledge, broadening the skills set they may already have.”

Pinuri naman ni House Deputy Speaker and Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, Jr. ang mabilis na pag-apruba ng PIFITA at ng Amendment ng mga FIA bill, at sinasabing ang parehong hakbangin ay napakahalaga at naaayon sa panahon. Sinabi niya na kinakatawan ng PIFITA bill ang Fourth Package ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng administrasyon habang ang Amendment ng FIA bill ay kabilang sa mga lehislatibong prayoridad ng Kongreso.

“This is another record-breaking feat of the House of Representatives which was made possible under the leadership of Speaker Cayetano. Because of our effective legislative process, the PIFITA and Amended FIA bills were thoroughly discussed and debated upon prior to their final approval,” saad ni Villafuerte.