-- Advertisements --

Inihayag ng dating chairman Presidential Commission on Good Government (PCGG) na hindi uubra ang rebranding ng kagawaran dahil ang komisyon ay palaging iuugnay sa pagbawi ng ill-gotten wealth ng mga Marcos.

Sa isang pahayag, sinabi ni ex-PCGG chairman Atty. Andy Bautista na ang Executive Order 1 at 2 ay talagang nagbibigay sa Presidential Commission on Good Government ng mas malawak na mandato kabilang ang pagtiyak na ang mga katiwalian sa panahon ng martial law ay hindi na mauulit.

Tinutukoy ni Bautista ang 2 executive orders na inilabas ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1986.

Ang PCGG, na nilikha sa ilalim ng pinakaunang executive order ni dating Pangulong Aquino noong pinalitan niya ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. noong taong 1986 ay inatasan na bawiin ang ill-gotten wealth ng mga Marcos sa Pilipinas man o sa ibang bansa.

Sa nakalipas na 36 na taon, nakabawi na umano ang ahensya ng P266 bilyon ($5 bilyon) na cash at assets.

Ang mga pondong ibinalik sa gobyerno ay higit na ginagamit para sa reporma sa lupa at kabayaran para sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao noong panahon ni Marcos Sr.

Magugunitang noong nakalipas na araw, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ayaw niyang buwagin ang PCGG ngunit palalawakin ang mandato nito na higit pa sa pagbawi sa ill-gotten wealth ng mga Marcos.