-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Sen. Bong Go na hindi katanggap-tanggap na magkakaroon ng re-enacted budget para sa susunod na taon.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag matapos itinigil na ng Kamara ang deliberasyon sa 2021 proposed national budget at ipapasa na lamang ito sa Senado sa Nobyembre 16.

Nagpahayag naman ang ilang senador ng agam-agam na posibleng maantala ang pagpasa ng budget gaya ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na nagsabing 100 porsyento siyang magkakaroon ng re-enacted budget para sa 2021.

Sa kanyang statement, sinabi ni Sen. Go na hindi dapat ipasa sa taongbayan ang pasanin para sa kinakailangang budget at dapat may naipasa ng budget sa Enero 1.

Ayon kay Sen. Go, kung walang angkop na budget sa susunod na taon, saan kukuha ang gobyerno ng pondo para sa COVID-19 recovery measures gaya ng pambili ng bakuna, testing equipment, dagdag na PPEs para sa frontliners at iba pang kagamitang pangkalusugan.

Idinagdag pa ng mambabatas na paano bubuhayin ang ating ekonomiya, matustusan ang mga programa para mabigyan ng panibagong kabuhayan ang mga nawalan ng trabaho at ang edukasyon, lalo na ngayon nag-aadjust na mga estudyante sa blended learning.

Inihayag pa ng senador na handa niyang pakiusapan si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang 2021 national budget para lamang ito maipasa “on time” dahil ang masisisi na naman dito ay ang pangulo at ang Executive agencies kung hindi maipatupad ang mga programa na kailangan sa susunod na taon.

“If we want to help the Filipino people, let us support the Executive by providing the resources they need to implement the necessary plans and programs to overcome this ongoing crisis, help the economy recover, and uplift the lives of millions of Filipinos,” ani Sen. Go.

“Even if the President has the power to call for a special session, my challenge to my fellow legislators is to work together so that we can pass the budget on time. I will even recommend to the President to certify this measure as urgent. Nakikiusap po ako kay Pangulong Duterte na i-certify ang budget as urgent.”