-- Advertisements --

Posible bukas Miyerkules maipasa na ng Kamara third and final reading ang Resolution of Both Houses no.7 na aamyenda sa ilang economic provisions ng 1987 Constitution.

Ayon kay House Majority Leader Manuel Dalipe, kapag naisumite ng Kamara ang RBH 7 sa Comelec, mapagpapasyahan na ang pagdaraos ng plebesito.

Batay sa pagtaya nasa 280 Congressmen ang co-authors ng RBH 7 para maisulong ang amyenda sa economic chacha.

Sinabi ni Dalipe na kailangan aniya na makakuha ito ng ¾ vote ng lahat ng miyembro o 232 na pabor na boto para maipasa.

Paliwanag ng House Majority leader, sa COMELEC naman aniya talaga ang punta ng panukalang economic cha-cha dahil ito ang magdedesisyon kung angkop o sapat na ito para magkasa ng plebesito.

Una rito, sinabi ni House Deputy Speaker David Suarez, nominal ang gagawing botohan sa Miyerkules sa ikatlo at huling pagbasa para sa RBH 7.

Sabi ni Suarez, kung pagbabasehan ang numero, “approved in principle” na ang economic charter change sa Kamara.

Paliwanag ni Suarez, patunay ito ng pagkakaisa at suporta ng mga kongresista, sa pamumuno ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, para maamyendahan na ang economic provisions ng ating Saligang Batas.