MANILA – Patay ang isang lalaki sa Solano, Nueva Vizcaya matapos umanong manlaban sa mga pulis.
Batay sa report ng Nueva Vizcaya Police, nasa gitna ng booking procedure ng kanyang kaso si Delmar Cadiente, 31-anyos, nang agawin umano nito ang armas ni police Cpl. Mark Galut.
Aminado ang hepe ng Solano Municipal Police Station na si police Capt. Jet Sayno na pinaputukan niya si Cadiente matapos daw nitong tutukan ang pulis na inagawan niya ng baril.
Pero sumubok pa raw manlaban ang suspek kaya nagkapalitan sila ng putok ng pulisya.
Naisugod pa raw sa ospital si Cadiente pero idineklara ring dead on arrival.
Inaakusahan ng panggagahasa ng isang 3-tatlong gulang bata si Cadiente.
Ayon sa pulisya, iniulat ng nanay ng menor de edad ang insidente matapos umano nitong ituro ang suspek na nanggahasa sa kanya.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, malapit lang sa bahay ng biktima ang tinutuluyan ni Cadiente.