GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isa sa dalawang suspek na humalay at pumatay sa dalagita sa South Cotabato.
Ayon kay P/M Randy Apostol, deputy chief ng Polomolok Municipal Police Station, sumailalim sa medical examination ang mga suspek subalit nang pauwi ay biglang inagaw daw ang baril sa escort kaya pinaputukan.
Kaagad pa umanong dinala sa pagamutan subalit dineklarang patay ang suspek na nagngangalang Ronald Abaquita, taga-Canery, Polomolok, South Cotabato.
Habang ang isa pang suspek na si Eduardo Abordo na mula sa parehong lugar, ay hawak pa rin ng pulisya.
Una rito, lumabas sa autopsy na basag ang ulo ng 13-anyos na biktima, bali ang dalawang ribs at tuluyang namatay sa sakal.
Tugma naman ito sa pahayag ni Abordo ngunit si Abaquita ang humalay sa biktima matapos kanilang dinala sa plantasyon ng pinya.
Nabatid na ang dalawa rin ang nagpaabot ng report sa pulisya na kanilang nakita ang bangkay ng biktima na nasa “advance state of decomposition” na.
Nalaman din sa imbestigasyon na ang namatay na si Abaquita ay kakagaling lang sa kulungan.