ILOILO CITY – Walang pagsidlan ng tuwa ang isang dating Philippine Army Officer sa nakamit ng kanyang anak na Rank 3 sa Philippine Military Academy (PMA) “Bagsik Diwa” Class of 2022.
Si newly commissioned Army 2nd Lt. Ian Joseph Bragancia, 23-anyos, ay tubong Pototan, Iloilo. Alumnus ito ng Iloilo Central School at Philippine Science High School-Western Visayas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay former Army Officer Ireneo Bragancia, sinabi nito na nasa ikatlong taon sa kolehiyo ang kanyang anak sa kursong Bachelor in Science in Molecular Biology and Biotechnology sa University of the Philippines-Diliman nang nagpaalam itong papasok sa PMA.
Bagama’t may panghihinayang, hindi na umano pinigilan ni Bragancia ang kanyang anak na pasukin ang naturang akademya, sa halip na ituloy pa ang pangarap na maging science researcher at communicator.
Sa ginanap na graduation ceremony sa PMA, recipient din si Bragancia ng susunod na mga karangalan: Secretary of National Defense Saber, Philippine Army Saber, Chief Justice Saber, Australian Defense Best Overall Performance Award, Distinguished Cadet Award, General Antonio Luna Award, Mathematics Plaque, Natural Science Plaque, National Security Studies Plaque, at Army Professional Courses Plaque.