Nanguna ang drag artist na si Pura Luka Vega para sa sakramento ng komunyon sa Open Table Metropolitan Community Church (MCC) sa San Juan City, sa isang seremonyang idinaos noong Linggo, Hunyo 14.
Ang Open Table MCC ay isang ecumenical Christian church na nakatuon sa pagbibigay ng espiritwal na suporta at serbisyo sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Kabilang ito sa Metropolitan Community Churches, na may mga kongregasyon sa iba’t ibang bansa.
Sa isang Facebook post ng MCC, ibinahagi nila ang mga larawan ng naturang pagdiriwang kung saan makikita si Vega na aktibong nakibahagi sa banal na misa.
Dagdag pa ng simbahan, layunin ng pagtitipon na igiit ang espasyo ng LGBTQIA+ community sa loob ng pananampalataya.
“This is reclaiming our space as queer people and as a marginalized community, because the Eucharist is a sacrament that is an Open Table for all. Happy Pride mga Mahal!” ayon sa post.
Matatandaang naging kontrobersiyal si Vega matapos ang kaniyang drag performance na gumaya kay Hesukristo at gumamit ng kantang “Ama Namin,” na nagdulot ng malawak diskusyon online.
Dahil dito, inaresto siya sa kaniyang bahay sa Sta. Cruz, Manila noong Oktubre 2023 kaugnay ng kasong cybercrime.
Kalaunan, nakalaya siya matapos magpiyansa noong Marso 2024, at tuluyang naabswelto sa kaso noong Hunyo 2025.














