KORONADAL CITY – May lead na umano ang pulisya sa pagkamatay ng isang 55-anyos na Ginang na pinaniniwalaang ginahasa muna bago brutal na pinatay sa Purok Garcia, Brgy.Rotonda, Koronadal City.
Ito ang inihayag ni Police Capt. Romeo Albao, investigator ng Koronadal City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Albano, may natukoy na sila na mga persons of interest sa pagpatay kay Carol Sunga Fuentes, 55 anyos at may 2 anak at residente ng nabanggit na lugar.
Ngunit, tumanggi muna na idetalye ni Albano ang lead na kanilang sinusundan sa krimen upang maresolba ito.
Naniniwala naman ang opisyal na hindi lamang isa ang suspek na may kagagawan ng krimen.
Dagdag pa ni Albano, hiniling ng pamilya na isailalim sa post mortem ang bangkay ng biktima kung saan natukoy na 30 beses itong sinaksak na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Una rito, naniniwala ang pamilya ng biktima na isa sa mga suspek ay ang karelasyon nito dahil ito lamang umano ang palaging kasama ng biktima sa pagbibilang ng pera mula sa pautang nito.