-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakapaslang sa isang police officer sa nangyaring pananambang sa Barangay Road, Purok Summer Snow, Barangay Baras, Tacurong City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Baras Punong Barangay Dorooteo Delicana, nakilala ang nasawing pulis na si PEMS Agusto Braganza, 53-anyos, residente ng Purok Daisy ng nasabing Barangay.

Ayon kay Delicana, dead on the spot ang pulis matapos na magtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo.

Narekober ng mga imbestigador at SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang empty shell ng hindi pa natutukoy na kalibre baril na ginamit ng suspek.

Dagdag pa ni Delicana, hinabol pa ng ilang residente na nakakita sa pamamaril ang gunman na nakasakay sa Raider na motorsiklo na bumaril sa biktima.

Hindi pa matukoy sa ngayon ang motibo ng pamamaril ngunit hindi inaalis ang anggulong may kinalaman sa trabaho nito.

Wala naman umanong natanggap na pagbabanta ang biktima bago pa man mangyari ang insidente. Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng pulis sa nagyari sa biktima.