-- Advertisements --

ILOILO CITY- Tiniyak ng Bugasong Municipal Police Station na hindi na mauulit pa ang nangyaring shooting incident na ikinamatay ng tatlong katao kabilang na ang isang barangay kagawad at isang pulis.

Napag-alaman na sa nangyaring shooting incident, patay ang mga biktimang sina Efren Florendo, 60, barangay kagawad ng Cubay South, Bugasong, Police Staff Sergeant Elvin Agting, 42, nakadestino sa Bugasong Municipal Police Station, residente ng Poblacion, Belison, Antique at suspek na si Roy Jalipa, 33, ng Cubay North, Bugasong.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Fritz Padroncillo, hepe ng Bugasong PNP, sinabi nitong mas paiigtingin pa nila ang kampanya sa anti-criminality at sa paghawak ng katulad na pangyayari.

Labis namang ikinalungkot ni Padroncillo ang nangyari sa kanyang tauhan na inuna ang tawag ng tungkulin.

Ayon kay Padroncillo pauwi na sana si Agting upang humabol sa selebrasyon ng birthday ng kanyang anak ngunit rumesponde ito sa lugar kung saan ito nabaril at napatay.

Binaril ng suspek na si Jalipa ang kagawad na si Florendo at nang rumesponde ang pulis, nabaril din ng suspek si Agting at gumanti ng putok ang kasamahan nito na ikinasawi ng suspek na pinaniniwalaang may nervous breakdown.