Tuluyan nang sinibak sa serbisyo sa Philippine National Police si PLTCol. Mark Julio Abong na naging kontrobersiyal matapos na masangkot sa mga insidente ng hit-and-run sa isang tricycle driver noong taong 2022 at pag-aamok at pagpapaputok ng baril sa isang bar sa Quezon City noong taong 2023.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. sa ginanap na pulong balitaan sa Kampo Crame sa Quezon City ngayong araw kasunod ng pagbabasbas sa mga bagong kagamitan at sasakyan ng Pambansang Pulisya.
Sabi ni PNP Chief Acorda, noong Disyembre 18, 2023 ay naipatupad na ang dismissal order laban kay Abong matapos na ibasura ng Department of the Interior and Local Government at National Police Commission ang naging apela nito kaugnay sa insidente ng hit and run na kinasangkutan din nito na ikinasawi naman ng binangga nitong tricycle driver at ikinasugat na mga pasaherong sakay nito na tinangka pang pagtakpan ng naturang pulis.
Kung maaalala, una ang kinansela ng PNP Firearms and Explosives Office ang License to Own and Possess Firearms at registration ng 3 mga baril ni Abong na pawang mga paso na rin ang mga lisensya.
Dahil sa kaniyang pagkakasibak sa serbisyo ay hindi na eligible o matatanggap pa ni Abong ang kaniyang mga benepisyo bilang pulis.