-- Advertisements --

Hindi nagdalawang isip ang publisher ng isang children’s book sa bansa na tanggapin at agad i-produce ang libro na patungkol sa ari ng lalaki.

Pahayag ito ni Segundo Matias ng Lampara sa gitna ng pag-ani ng magkakahalong reaksyon dahil sa librong “Ako ay May Titi.”

Ayon sa nasabing publisher, agad niyang sinang-ayunan ang proposal ng manunulat na si Genaro Jojo Cruz at guhit ni Beth Parrocha kahit pa kontrobersyal ang book title.

Naniniwala aniya siya na makakatulong ang libro lalo sa mga magulang na hirap sagutin ang mga anak na lalaki sa tuwing ituturo ang ari at magtatanong kung para saan ito.

Giit nito na ang librong “Ako Ay May Titi,” ay para sa awereness o kamalayan kahit sa murang edad pa lamang.

Naghahatid din ito ng mensahe para pahalagahan ang sariling pangangatawan at layuning maiwasan ang child sexual abuse.

Karapatan daw ng mga bata na mapaliwanagan sa mga bagay na curious ang mga ito, kaysa ipagkait sa kanila ang nagaganap gaya ng giyera, kahirapan, kalungkutan, maging ang coronavirus pandemic sa bansa, at iba pa.

“Kaya nang banggitin ito sa akin ni Genaro, kaagad ko siyang sinang-ayunan.
Umpisa pa lamang, bilang publisher ng Lampara, isinaisip ko na talagang dapat ay hindi i-underestimate ang bata—na sila ay tao—na ang pagiging bata ay hindi nangangahulugang wala silang karapatang malaman ang mga nangyayari sa kanilang paligid,”
bahagi ng Facebook post ni Matias.

Samantala, nangako rin ang publisher na sunod ding maglalabas ng aklat na para naman sa mga may anak na babae.