Para maiwasan ang pagkakaroon ulit ng isang outbreak ng sakit sa bansa, inirekominda ng isang kongresista na bumuo ang pamahalaan ng isang public health emergency council.
Sa kanyang inihaing House Bill No. 6719, sinabi ni House Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” Crisologo na ang bubuuing Emergency Council ay tututok sa paghahanda ng bansa laban sa anumang health emergencies.
Ito rin aniya ang siyang bahala para sa agarang pagkilos ng lahat ng mga ahensya na may kaugnayan sa pag-control at manage sa epekto ng health crisis sa bansa.
Ngayong mayroong COVID-19 pandemic, sinabi ni Crisologo na isa-isang lumutang ang mga puwang sa crisis management strategy ng pamahalaan,.
Dapat aniyang mapunan at matugunan ang mga ito sapagkat ang kapakanan ng mga PIlipino tuwing mayroong national crisis ay nakadipende sa paghahanda ng pamahalaan.










