-- Advertisements --
image 81

Umapela ang Public Attorney’s Office (PAO) sa Office of the President (OP) na bigyan ng executive clemency ang 301 persons deprived of liberty (PDLs) na karamihan ay matatanda at may karamdaman.

Ang mga ito ay inirekomendang palayain sa mga nakalipas na administrasyon.

Umaasa si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida V. Rueda-Acosta na maaksyunan ang kanilang hiling.

Sinabi ni Acosta na ang listahan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na inirekomenda para sa executive clemency ay nilagdaan ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla at inihatid na ni Justice Undersecretary Deo L. Marco sa opisina ni Executive Secretary Victor D. Rodriguez.

Nalungkot siya matapos makatanggap ng impormasyon na ang listahan ay hindi pa ipapasa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pag-aaral at aksyon.

Ipinunto niya na ang mga nasa listahan ay sumailalim na sa proseso upang matukoy kung sila ay kwalipikado para sa executive clemency.

Ikinuwento niya na noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, isang persons deprived of liberty na 70 taong gulang ang kwalipikado para sa executive clemency.

Dagdag pa niya na ang executive clemency ay ang kapangyarihan ng Pangulo, sa ilalim ng Konstitusyon, na magbigay ng pardon, maging ganap man o may kondisyon, gayundin ang pagbawas ng jail term.