CAUAYAN CITY- Naniniwala ang Parents Teachers Association o PTA Isabela na nakahanda na ang mga mag-aaral, guro at mga magulang sa pagbabalik ng Face to Face Classes sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PTA Federation Vice President Gerald Tamani ng Isabela na batay sa kanilang pagtaya ay maaari nang bumalik ang face to face classes ang mga mag-aaral dahil nasa alert level 1 na ang Isabela.
Inihayag pa ni Ginoong Tamani na naniniwala silang kinakailangan nang magkaroon ng face to face classes upang maibsan na ang hirap na nararanasan ng mga guro, bata at mga magulang.
Mas mataas din anya ang kalidad ng edukasyon na makukuha ng mga mag-aaral sa face to face classes.
Sinabi pa ni Ginoong Tamani na maaaring natatakot si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabalik ng face to face classes na maulit ang biglaang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa noong niluwagan ang protocols sa nakalipas na pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Naniniwala din siyang makukumbinsi ng DepEd ang pangulo sa pagbabalik ng face to face classes kapag makitang handa na ang mga paaralan at may maayos na sistema sa pagtanggap sa mga mag-aaral.
Kinakailangan ding magkaroon ng monitoring at triange areas sa mga paaralan
Malaki ang tulong ng mga magulang sa pagsisimula ng in person classes paangunahin na sa kanilang mga anak na tinuturuan na magsuot ng tamang face mask, paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol.