LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy ang assessment at marking ng survey team sa mga puno sa Albay kaugnay ng planong “pruning” sa mga ito.
Paliwanag ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa pamamagitan ng pruning sa mga kahoy ay inaasahang mababawasan o maiiwasan an casualty tuwing tinatamaaan ng bagyo ang lalawigan.
Target ng ahensya na sumailalim sa pruning ang 3,000 hanggang 5,000 puno sa buong lalawigan na sisimulan sa susunod na linggo.
Ayon kay Daep, sinisikap nilang agad na masimulan ang hakbang upang mapaghandaan ang anumang sama ng panahon na maaaring tumama sa lalawigan.
Dagdag pa nito na babantayan ang magiging accomplishment ng pruning dahil ito ang magsisilbing “benchmark” sa pagpaplano sa susunod na taon.
Samantala, inaasahang malaking pondo ang ilalaan para sa programa kabilang na ang fuel fund na tinatayang aabot sa P500,000.
Dagdag pa rito ang pondo para sa iba pang pangangailangan gaya ng pagkain ng nasa 60 katao na magsasagawa ng pruning at ang maintenance ng mga equipment.
Nanawagan din si Daep ng kooperasyon ng komunidad lalo pa at para sa seguridad ng publiko ang naturang hakbang.









