Hindi na oobligain ang mga provincial bus na gumamit ng integrated terminals kasunod ito ng inilabas na desisyon ng Quezon City court.
Ayon kay Alex Yague, executive director ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas na naglabas ng isang kautusan ang Quezon City Regional Trial Court Branch 223 noong Abril 27 na nagpapahintulot sa mga procvincial buses na magsakay ng mga pasahero sa mga pribadong terminals anumang oras.
Subalit ang desisyon na ito ay maaaring makaapekto sa window hour scheme na ipinapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Suportado ng desisyon na ito ng korte ang IATF resolution 164 na nagpapawalang bisa sa nagdaaang direktiba kung saan ang mga provincial buses ay required na gumamit ng integrated terminals sa mga lugar na nasa Alert level 1.
Noong nakalipas na buwan, inisyuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order ang mga provincial bus companies matapos na mabigong magdeploy ng mga bus para maisakay ang mga pasahero papunta at palabas ng Metro Manila sa labas ng window hour scheme na itinakda ng MMDA mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Umaasa namna ang grupo na makatanggap ng kopya ng court order ang MMDA at LTFRB upang ito ay maimplementa.