-- Advertisements --

Tumutol ang House private prosecutor na si Atty. Amando Virgil Ligutan sa tanong ng depensa kaugnay ng ipinakitang video clip habang isinasagawa ang cross-examination sa testigong si NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa ikalimang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes, Hulyo 14, 2026,

Habang tinatanong ng abogado ng depensa na si Atty. Mark Vinluan si Atty. Lotoc, ipinakita ang isang video clip mula sa online press conference ni VP Sara noong Nobyembre 2024, na naging sentro ng imbestigasyon ng NBI Cybercrime Division hinggil sa umano’y banta sa buhay ng Pangulo.

Tanong ni Atty. Vinluan sa testigo kung nasisiguro ba niyang ang mga pahayag ni VP Sara sa press conference ay totoong nangyari sa totoong buhay?

Agad naman nag-object si Atty. Virgil Ligutan sa linyang ito ng pagtatanong ng depensa.

Argumento ni Atty. Ligutan na ang testigo ay walang sapat na kakayahan o “not competent” upang sagutin kung ang mga binanggit ni VP Sara sa video, tulad ng mga alegasyon ng korapsyon, ay totoong naganap sa totoong buhay.

Ang saklaw lamang aniya ng kaalaman ng testigo at ng NBI investigation ay ang katunayan na binigkas o binitawan ni VP Sara ang mga salitang iyon sa video, ngunit hindi ang katotohanan sa likod ng mga alegasyong sinabi nito.

Sumang-ayon si Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero na nakalilito o confusing ang tanong ng depensa.

Nang payagang sumagot, nilinaw ni Atty. Lotoc na bilang investigator, nakumpirma nilang totoong nangyari ang press conference dahil nagpatawag sila ng mga miyembro ng media na dumalo rito. Gayunpaman, binigyang-diin niya na wala siyang personal na kaalaman kung totoo ang mga partikular na paratang o kuwentong sinabi ni VP Sara sa naturang video clip.