Magsisilbing “surprise evidence” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga dokumento at testimonya mula sa mga kinatawan ng bangko na hindi pa nakikita ng publiko o maging ng mismong mga prosecutors.
Tugon ito ng House Prosecution panel sa tanong kung mayruon silang hawak na ebidensiya na hindi pa naisasapubliko at posibleng magkaroon ng epekto sa resulta ng trial.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, bagamat kasama ang mga ito sa kanilang “reservation list” o mga ebidensyang itatabi para sa paglilitis, wala pa sa kasalukuyan ang mga bank documents sa kanilang pangangalaga.
Ipinaliwanag ni Luistro na sa oras na magsimula ang paglilitis, magpapalabas ng subpoena o kautusan ang Senate impeachment court para piliting ilabas ang mga naturang rekord at humarap ang mga opisyal ng bangko.
Inaasahan na ang mga dokumentong ito mula sa bangko ang gagamiting alas ng prosekusyon upang patunayan ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman (unexplained wealth) laban sa Bise Presidente.
















