-- Advertisements --

Inaasahan na ng prosecution panel ang pagtutol ng depensa sa mga dokumentong nais nilang iharap bilang ebidensya sa impeachment trial.

Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa, handa ang prosecution na sagutin ang anumang pagtutol ng depensa sa pamamagitan ng mga balido at legal na argumento bilang bahagi ng itinakdang proseso ng impeachment trial.

Upang maiwasan ang mga delay o pagkaantala, maaga nilang hiniling at ipinasubpoena ang mga dokumento kahit hindi pa nagsisimula ang presentasyon ng ebidensya para sa artikulo ng impeachment na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth. 

Siniguro ni Tolosa na handa ang prosekusyon sa oras na iharap na nila ang kanilang mga ebidensya kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.

Tiniyak din ng abogado na kanilang maipaliwanag ito hindi lamang sa impeachment court kundi maging sa publiko ang nilalaman at kahalagahan ng mga dokumentong kanilang ihaharap.

Kinilala rin niya na may karapatan ang depensa na muling tumutol kapag pormal nang inialok bilang ebidensya ang mga dokumento.