-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kinompirma ng Commission on Elections (Comelec) na nakahanda na ang gagamitin pondo kung sakaling magtagumpay ang isinusulong na pag-ameyenda sa economic provision ng Saligang Batas sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Misamis Oriental Provincial Election Supervisor Atty. Carlito Ravelo na sobra P13 billion ang isiningit noong kasagsagan ng bicameral committee conference bilang ‘line budget’ bago tuluyang naipasa ang mahigit 5.7 trillion peso na 2024 national budget.

Sinabi ni Ravelo na partikular na paggagamitan ng pondo ay ang kasalukuyang People’s Initiative na isinusulong ng Kamara para sa charter change at maging sa gagawing plebesito,referendum o kaya’y pag-recall kung masusunod ang ipinag-utos ng Saligang Batas.

Pag-amin ng ahensiya na huli na ng nalaman ng kanilang senior officials na mayroong ipinasok na malaking pondo upang magamit kung sakali na makalusot ang cha-cha petition gamit ang 12 porsiento na pirma mula sa mahigit 67 milyon na rehistradong mga botante sa buong bansa.

Magugunitang hawak na rin ng Comelec-MisOr ang mahigit kumulang 60,000 pirma ng mga residente mula sa dalawang distrito ng Cagayan de Oro City na umano’y sang-ayon ng Cha-Cha.