-- Advertisements --

Nanawagan si AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana sa kongreso na baguhin ang procurement process para maging mas madali na bumili ng mga bagong kagamitang militar sa ilalim ng AFP modernization program.

Ang panawagan ay ginawa ni Sobejana matapos aminin na kulang ang kanilang mga barko para epektibong mabantayan ang Exclusive Economic zone ng bansa sa West Philippine Sea.

Gusto man aniya nilang makabili ng mas maraming bagong barko, napakatagal ng proseso nito dahil masyadong strikto ang umiiral na batas, ang Republic Act 9184, o ang Government Procurement Reform Act.

Kasabay nito, nanawagan din si Sobejana sa mga mambabatas na dagdagan narin ang pondo para sa AFP modernization program.

Paliwanag din ni AFP chief na sa sobrang lawak ng kanilang kailangang i-patrolya aabutin ng tatlong buwan ang isang barko para malibot lang ang buong karagatan ng bansa.

Sa ngayon aniya ay may 10 barko na ang Philippine Navy na nakadeploy sa West Philippine Sea, at malaking tulong ang karagdagang mga barko ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at patrol vessels ng PNP Maritime Group, pero kulang parin aniya ito.